Linggo, Oktubre 11, 2015

Larong Pilipino



Larong Pilipino




     Ang mga tradisyunal na larong Pilipino ay sadyang nakapang-aakit, kakaiba, at bunga ng malikhaing imahinasyon. Sa magkakasabay na hiyawan ng bawat manlalaro ay hindi mo mapipigilang mapasali sa kasiyahan. Sa katunayan nga, kahit na magalit pa ang ina kapag umuwi ang batang marumi, pawis, at amoy araw, bawat batang Pilipino’y hindi inaalintana maski pa mapingot ang kanilang mga taynga makasama lang sa paglalaro nito.
Kilala rin ang larong Pilipino sa bansag na “Laro ng Lahi" dahil sinasagisag nito ang kulturang tunay na maipagmamalaki ng mga Pilipino. Isa sa mga ito ang patintero, luksong tinik,sipa, at marami pang iba. Halos lahat naman siguro tayo ay nakaranas nitong maglaro noong bata tayo. Ang kung pakakaisipin ngayon ay talagang bago na ang henerasyon, unti-unti ng nawawala ang mga Larong Pinoy dahil sa mga bagong teknolohiya na mayroon tayo ngayon. Kaya sa pamamagitan nito ating balikan ang mga larong tatak at pusong Pinoy.
              

           Patintero ang larong masasabing pinakakilalang laro ng mga Pilipino. Patuloy na kumakalat ang popularidad nito sa iba’t ibang lalawigan bagamat mas kilala ito sa Bulacan. Bilis, liksi, at galing sa pagtaya ng kalaban ang pangunahing dapat na isinasaalang alang ng bawat manlalaro. Ang basehan ng pagkapanalo sa larong ito ay ang bilang ng mga manlalarong nakalampas sa bawat guhit nang hindi natataya ng kalaban. Ang isang grupo ay kinabibilangan ng hindi bababa sa 10 miyembro. Maaaring maglaro ng patintero sa kahit anong lugar basta’t nasusulatan ang sahig ng yeso na nagsisilbing hangganan o kaya naman ay mga linyang dapat malampasan ng bawat manlalaro. Bilang pasimula ng laro, maghahagis ang isa ng barya upang malaman kung aling grupo ang mauunang maglaro at kung sinong grupo ang taya.

            Luksong Lubid ang larong  binubuo ng tatlo o higit pang manlalaro ay simple lamang na kahit pinagdugtong dugtong na goma ay maaari nang gamitin. Sa larong ito lumulukso ang bawat manlalaro habang pabilis nang pabilis ang ikot ng tali o ng pinagdugtong na mga goma. Kapag tumama ang tali sa paa ng lumulukso, dahilan upang matigil ang pagikot nito ay siyang papalit naman ang ibang manlalaro. Isa pang uri ng luksong lubid ay tinatawag na Chinese Garter. Sa larong ito, tatlo o higit pang manlalaro ang maaaring sumali. Gamit ang garter, lulukso lamang ang bawat manlalaro ngunit hindi tulad ng sa naunang uri, ang garter ay pataas ng pataas: mula sa bukong bukong hanggang sa itaas ng ulo. Kapag matatangkad naman ang iyong mga kalaban at may mahaba kang binti ay malaki ang tsansa ng pagkapanalo. 
            

            Luksong Baka Sa larong ito, ang isang manlalaro ay tutuwad ng bahagya habang nakasuporta ang kamay nito sa kanyang tuhod. Ang mga kalaro ay lulukso sa itaas ng taya gamit lamang ang mga kamay. Kapag sumayad ang mga binti ng lumukso sa ibang parte ng katawan ng taya, siya ang papalit dito. Sa mga bukirin ng Pangasinan sikat ang larong pinoy na ito.